Itong larawan mo
waring aklat ng kasaysayan,
gumuhit sa alaala
malinaw sa’king balintataw.
Tila naririnig ko ang mga bomba,
ang eroplanong pandigma ng Hapon na nag-iitsa
ng dinamitang mumuntik ng humuhukay ng
libingan mo.
Waring nakita kitang umiiwas.
Sa iyong pagsasalaysay
nahagip ko ang sugat
na lumuray at muntik ng pumilay sa iyong paa.
Narinig ko ang usal mo sa Maykapal
ang pagpapaubaya sa kanya
ng iyong kaluluwa.
Subalit hindi pa wakas
bagkus ay rekado lamang ng
mala-chopseuy mong buhay.
Sa Taft Avenue,
hindi ko nakikita ang Pan Pacific
ni ang Landbank;
tinatagos ng mga mata,
tinatanaw ang dagat.
Sa iyong masayang kwento
nakikita ko ang mga mongha
sa beaterio;
ang mga mag-aaral ng altasesyodad.
Nalilimot ko ang malagkit na lamyos
bagkus ramdam ko ang masuyong hangin.
Ang busina ng jeep ay napapalitan
ng malalakas na hampas ng along
sumasampa sa aplaya’t sabik sumuson
sa mga kaibigang alon.
Sa sinehan ng Robinson
boudavil ang bumibida sa akin.
Tila ang Clover Theater ay buhay na buhay
waring nakipagkamay ako kay Pilita,
habang iyong ipinakikilala sa akin;
habang inaayos mo ang kanyang buhok.
Malambot at maiinit ang kanyang kamay.
Tama ka. Mabuti siya’t sinsero.
Walang sinabi si Markova,
humahanga ako sa iyong pag-ibig,
humahagikgik sa iyong kapilyuhan.
Kung paanong pinaiikot sa iyong
palad ang mga dayuhang Hapon at Amerikano.
Gayunman, hindi ko maiiwasang maluha
sa miminsang kwento mo patungkol sa iyong anak.
Kabiguan marahil,
narinig ko ang iyong hikbi
isang hapon, sa altar.
Naramdaman ko ang bigat ng
loob mo at pangungulila.
Narinig ko ang iyong sumbong
sa kanya at sa kapatid mo sa Maryland.
Nauunawaan ko ang kahulugan ng
panalangin sa iyong binabatang pagdaramdam.
Paumanhin, Mang Johny
Kung hindi ko natupad ang
bayograpi na iyong pinasusulat sa ingles.
Alam mong mahina ako rito
at walang sapat na oras.
Subalit maniwala ka,
nagbalik ako taong 2002.
Wala ka, maysakit ka raw.
Sa wakas ay nasa piling ng
iyong anak, marahil inaaruga,
Hindi ko nagawang hanapin pa
ang iyong kinaroroonan.
Mas kailangan mong magpalakas.
Nakarating sa akin
ang balita,
sumakabilang buhay ka na raw.
Nanghihinayang ako’t di na muling nagkita
at sa kwentong sana’y narinig o nabasa madla.
Panatag ang loob kong payapa ka na,
hindi ko man nagawang isulat
buhay pa rin ang iyong alaala.
Hindi ko rin tinunton ang iyong hukay
pagkat sapat ng maalala kita sa aking isipan.
Narito ang iyong hantungan
buhay ka rito.
Walang pagtangis,
gaya ng madalas mong salubong
sa aming nangupahan,
nakinig sa iyong mga salaysay,
sa aming alaala
masigla ka…
maligaya.
Buhay na Buhay!
nice
helo po ..cnu po ung tinutukoy nio na mang Johnny? takdang aralin po kasi namin ito..sana po’y tumugon kayo..salamat=) i relly need it before saturday…